Wednesday, April 14, 2010

Kalimutan na ang sukat at tugma

Nagsimula sa tag-araw, bago ko pa mapansin, tag-ulan na pala.
Para akong tanga, ginagaya ang boses ng dj sa radyong pula.
Nakakatawa, pero minsan isang panahon, ginusto ko ring maging gaya nila.
Ngayon, hindi ko alam..
Wala pa rin akong plano..
Wala pa rin akong mabuo..


Bakante pa rin ang kwarto..
Akala ko nga may dumating na dito sa dormitoryo.
Pero nagreklamo, wala daw kasing banyo.
Bagong pintura naman ang mukha,
Nasa uso naman ang mga kurtina..
Pero wala..
Mas mahusay atang magbenta yung kabila..


Kulang ba talaga sa dilig?
Baka nasasakal lang sa apat na dingding.
Hindi pa rin alam kung saan ibabaon ang ugat.
Nakakatamad lang din kasi magunat unat..
Kulang lang sa pataba..
Konting pukpok lang, konting siksik, para tumaba..


Lumapat na naman ang labi sa tasa.
Nakakagulat ang init ng tsaa.
Muntik pang matapon,
Buti na lang nagawa kong umahon.
Wala lang yun, wag mo ng pansinin..
Gumawa lang ng ingay ang paglapat ng baso sa sahig.
Teka nga, magingat ka. Baka ka matinik...



Ninanamnam ko pa rin sa isip ang bawat melodiya ng narinig kong kanta,
iniisip pa rin kung para sa akin ba talaga ang bawat linya.
Nanunuot sa ilong ang nilalagang kamote ni Ina,
nakakagutom din pala, kelan kaya lalapat sa mesa...


Nanginginig na rin ang palad ng paa,
nakakatuyo ng utak ang lamig ng kaluluwa.
Hindi ko man lang mailapat sa sahig na marmol ang aking maliit na paa.
Uy! Magtsinelas ka kaya...
Hindi ganyang nakayukyok ka lang sa ibabaw ng kama..


Oo nga pala.
Nakalimutan kong ipaalala..
Wag mo ng subukang intindihin ang mga letra sa nakakalokong katha,
wala lang talaga akong magawa.
kalimutan muna natin ang sukat at tugma.
Wala naman akong balak tumula...

-May 7 2009 4:34am

No comments:

Post a Comment