Wednesday, April 14, 2010

Ang gabi at ang katulad mo..

Sa pagtapak ng paa sa pamilyar na pinto,
Ang pintuang gabi gabing umaantabay sa aking pagbabalik,
At ang pintuang naghahatid sa akin ng tanaw papalayo,
kasabay ng pagsikat ng araw sa umaga..
Sumasalubong sa akin ang kakaibang katahimikan.
Katahimikang sayo ko lang natagpuan.
Pikit mata kong ibinababa lahat ng mga pasanin sa maghapon,
Hinuhubad ang maskarang buong araw na tumatabing sa tinatago kong mukha...
Walang magarang damit,
Walang bahid ng kolerete sa labi,
Sa aking kapayakan, yakapin mo ako..
Buong araw akong sumabay sa agos ng buhay,
Buong araw akong naghanap ng kaligayahan kung saan,
Ngunit sa pag-uwi ko sayo,
Sanay pagdamutan mo ng kaginhawaan...
Hilong talilong sa maghapon..
Kasabay ng nagmamadaling jeepney, o traysikel sa kahabaan ng kalsadang ito,
Ayoko ng huminto.
Ayokong bigyang puwang ang alaala mo na unti unting sumisilip sa tuliro kong utak.
Ayokong tumahimik.
Ayokong marinig ang puso kong mahinang tumatawag sa pangalan mo.
Ayokong mapag-isa.
Ayokong hanapin muli ang kamay mong dati nang pumapalibot sa balingkinitan kong katawan.
Ngunit pagkatapos ng araw.
Kahit ang mga deboto ng Quiapo,
Kahit ang mga manininda sa Baclaran,
Kahit ang tren sa Recto..
Tumatahimik rin..
At wala na naman akong nanaisin kundi bumalik sa pamilyar na pinto.
Sa pintong paulit ulit kong iniwan..
Sa pintuong walang sawang naghihintay.
Wala naman atang hihigit pa kaysa sa tahimik na gabi sa piling mo.
Wala naman atang hihigit pa,
Kahit gaano kaingay,
Kahit gaano karami ang kasama ko sa maghapon,
Kahit na anong gawin ko,
Mananatili ka.
Nag-iisang katahimikang pumupuno sa espasyo ng buhay ko...


-June 29 2009 1:19 pm

No comments:

Post a Comment